Viva Las Vegas!
June 2, 2012Ilang araw nalang at malapit na magsara ang klase nung mga araw na yun. Second semester na at ramdam na ramdam na ng lahat ang pagwawala ng haring araw. Nagsimula na talaga ang tag init. Kagaya ng nakaugalian, kelangan pa ring gumising ng maaga para pasukan ang nakakatamad na subject na Theology 1. Alas otso ng umaga ang oras nung subject na yun, sino nga bang gustong pumasok sa ganon kaaga para sa napakawalang kwentang minor subject na yun. Isa pang nakakaasar eh yung Prof, napakasipag pumasok. Ni hindi man lang naisip na umabsent or magleave para naman makapagpahinga. At dahil Theology nga ang subject, classroom rule na magdala ng Bible. Hindi basta basta bible, required na ang Bible mo ay merong Old at New Testament. Ibig sabihin, out na ang bibliya mong manipis na pinamimigay ng ibang relihiyon dahil New Testament lang ang laman nun.
“No Bible No Entry. Tapos.”
Maraming beses na din maraming nadale ang classroom rule na yun. May mga ilan na sinadya na hindi magdala. Nakakatamad kasi talaga. Pero pag nakapasok ka naman sa klase nya, hindi ka rin naman magsisisi. Masaya ang klase. Kadalasan puro tawa lang at hagikgikan ang maririnig mo habang nagkaklase. Comedy kasi ang style ni Sir at kadalasang green jokes pa. Kakaiba para sa isang Professor na Theology (Religion) ang itinuturo. Bukod pa dun, usap usapan sa buong campus na si Sir daw eh myembro ng Lihim na Samahan ng mga Lalakeng may Bigoteng may Berdeng Dugo. Pero ano nga naman ang pakealam natin dun diba? Buhay nya un! Basta wag lang SINGKO ang ilalagay nya sa class card mo!

Sya yata ang unang propesor na narinig namin na nagsabi na talentado daw talaga ang mga pinoy. Sa lahat daw kasi ng Unibersidad, kahit libutin mo daw ang buong University Belt, halos lahat daw ng napasukan nyang CR ng lalake ay may nakadrawing na ari ng lalake. Mabubulaga ka nalang daw talaga! Minsan daw napapamura pa sya ng “Putang Ina!” dahil daw sa mga nakikita nyang naka drawing sa mga pader.
“Di ko akalaing kayang gumuhit ng mga kolehiyong estudyante ng mga ganon. Mala – Da Vinci at Picasso ang kalibre! Minsan nga sinusukat ko pa kung kanino ung mas malake… Kung ung akin ba o yung drawing nila… Kung ung akin bang braso o ung drawing nila!”
“Naiisip ko tuloy na dapat silang parangalan, sila ang magdadala ng mga pangalan ng kani-kanilang mga pinagpipitagang Unibersidad balang araw.”
Tawanan ang lahat hanggang sa matapos na ang klase.
Napaka simple lang ng buhay habang nasa klase nya. Tawanan, kwentuhan tungkol sa buhay buhay. Paminsan minsan napag uusapan ang lovelife ng ibang estudyante tapos konting lecture tungkol sa Kristyanismo, Bibliya at kung ano ano pa.
Huling araw na ng klase nun at final exam na din. Halos 30 minutes lang tinagal ng exam. Naging madali lang para sa lahat ang final exam nya dahil multiple choice lang ang binigay at obvious answers din. Pero sa di malamang kadahilanan, hindi muna sya nagpalabas ng room. Dahil nga daw huling klase na yun, gusto din nya magpaalam sa lahat at sa huling sandali ay makapagbonding din at makapag kwentuhan na walang kinalaman sa subject.
Nagpasalamat sya sa mga estudyante na nagtyaga na pumasok sa napakaagang subject na yun. Kadalasan daw nangangalahati yung klase nya dati dahil sa mga estudyanteng nag dodrop agad dahil maaga nga. Paborito daw nya kasi ang 8AM na schedule para sa Theology. Kilala nya lahat ng estudyante sa klaseng yun kaya nagbigay sya ng payo sa bawat estudyante. Hindi alam ng bawat estudyanteng pinapayuhan nya kung maiiyak ba o matatawa na lang sa mga payo nya. Animong para syang tatay na nagpapayo sa anak. Dun nakita ang sinsiredad sa mga mata nya na mahal nya ang mga estudyante nya.
“…sana nman sa halos anim na buwan na pagsasama natin, meron kayong natutunan sa akin. Kahit hindi na tungkol sa bibliya o kay Hesus. Mga praktikal na aral sa buhay na madali nyong maiaapply sa pang araw araw na buhay nyo bilang college student. Kahit may mabago lang ako sa inyo, Masaya na ako.”
Sabay tawa ng malakas. Naalala tuloy nya na parang tuwing klase eh tinatawag nya ‘mga demonyo!’ ang mga estudyante nya, pero biro lang naman lahat yun.
“…wag nyong kalilimutan yung mga naturo ko. Wag na wag kayong matatakot madapa. Wag kayong matatakot sa babagsakan nyo kung bato man ‘to o putik. Ang isipin nyo ay kung paano kayo babangon. Hindi mahalaga na nadapa kayo, ang importante dun ay nakabangon at nakapaglakad ng maayos muli. Oo nga marami kang sugat, maghihilom din yan. Anu ba naman ang peklat, simbolo yan ng iyong tagumpay.”
Natahimik ang lahat. Hindi mawari kung hindi lang talaga nainitindihan ng buong klase yung sinabi nya o manhid lang talaga nung mga oras na yun. Pero kapanipaniwala yung sinabi nya.
“Meron pa bang mga huling katanungan bago magtapos ang klaseng ‘to? Kahit ano. Itanong nyo na dahil baka hindi na tayo magkita.”
Wala atang gustong magtanong dahil lahat gusto ng lumabas. May isang naglakas ng loob. Hindi yata nakatiis.
“Sir, pano kung may isang tao na buong buhay nya, mahina ang paniniwala nya kay God? Paano nya mapapagtibay yun?”
Palakpakan ang lahat dahil unang pagkakataon na may nagtaas ng kamay para magtanong at nagbigay ng interes sa subject na yun. Tinaas ng propesor ang kamay nya.
“Sabihin nating yung taong yun ay naglalakad at aksidenteng nahulog sa isang manhole na puno ng makamandag na ahas. Tanging manipis na baging lang ng puno ang kanyang kinakapitan. Humingi sya ng tulong pero wlang dumating. Sigaw sya ng sigaw. Pero wala pa din. Naisipan nyang humingi ng tulong sa Dyos. Nagdasal sya ng taimtim. Sumagot ang Dyos at sinabing bumitaw ka at Sya na ang bahala. Ang tanong, bibitaw ba sya? Sa kabila ng mahinang paniniwala sa Kanya? Ipapaubaya nya ba ang buhay mo sa hindi mo nakikita? Isipin mo.”
Muling natahimik ang buong klase. Hindi din naintindihan ng nagtanong kung anong koneksyon ng manhole, ahas, baging at ng Dyos sa tanong nya. Hindi ata kuntento sa sagot ng propesor. Para sa kanya kasi, hindi nya nasagot ng diretso yung tanong. Ngumiti lang ang Propesor sabay iniba na ang usapan.
Ilang minuto nalang at matatapos na ang klase ni Sir. Naikwento nya ang plano nya sa mga darating na buwan. Inaayos na pala nya yung papeles nya. Pupunta pala syang Las Vegas Nevada para magbakasyon kasama ang kapatid nyang nakabase dun. Makikita mo talaga sa mukha nya ang tuwa. Excited syang makarating ng Las Vegas. Gusto daw nyang makita ang Ceasar’s Palace at makapag Casino. Masaya rin sya dahil makikita nya ang kanyang mga pamangkin.
Natapos na ang klase ni Sir at nagpaalam na kame sa isa’t isa. Ilang araw pa bago tuluyang magsara ang klase nung malaman namin na pasado lahat kame sa subject ni Sir. Kahit yung mga hindi pumapasok, pasado pa din. Nakahinga kameng lahat ng maluwag sa nalaman naming balita.
Enrollment na nung araw na yun, kalagitnaan ng sembreak. Pagkatapos kong pumila para makapag enroll, diretso na ako sa paboritong Computer shop para mag Dota kasama ang mga kabarkada. Sa kanto ng San Marcelino at Ayala Boulevard, habang naghihintay ng red light para tumawid may napansin akong grupo ng mga estudyante. Tatlong Babae at dalawang lalake. Mga mukhang pamilyar sa akin pero hindi ko maalala kung saan ko sila naging kaklase. Binati nila ako.
“Classmate!” sabay kaway.
Gumanti din ako ng kaway sabay ngiti. Lumapit sila sa akin at mukhang makikisabay pa tumawid.
“Classmate, pasado pala lahat tayo sa theology ‘no?! Wala daw binagsak si Sir. Nakasabay ko sya nung last day ng pasukan sa bus.”
Naalala ko bigla na classmate ko sila sa Theology pero hindi ko pa din matandaan ang pangalan nila. Madalas kasi na nasa likod ako naupo para makatulog at makapaglaro ng PSP.
“Ano nga ba name mo, classmate? Arms Dealer di ba? OO! Tama ikaw yung nagtanong nung last day natin kay Sir.”
Natawa na lang ako dahil yun lang yata ang kontribusyon ko sa klaseng yun na pwedeng maalala ng mga classmate kong hindi nakakakilala sa akin.
“Alam mo na ba yung kay Sir?”
“Ang alin? Na nakaalis na sya ng Las Vegas?!”
“Hindi pre, patay na si Sir. Kelan lang. Hindi na sya nakaalis papuntang Las Vegas. Ang dinig ko, the nung gabi bago sya umalis. Hindi na lang daw sya nagising sa pagkakatulog.”
Parang nag slow motion lahat ng mabibilis na sasakyan at ten wheeler truck na nagdadaanan.
“Putang ina.” lang ang naisagot ko sa balitang sinabi saken ng classmate ko. Unti unti kong inaalala ung mga oras na nasa klase nya ako. Kinilabutan ako kasi naalala ko yung oras na nagpapaalam sya amin. Magpapaalam na sya at mapapadpad na daw sya sa Las Vegas at alam nyang magiging masaya daw sya dun pagdating nya. Matagal na daw nyang napaghandaan ang oras na yun at yung confirmation na lang daw ang hinihintay nya na pwede na syang umalis. Hindi ko naman alam na ganon pala ibig sabihin nun. Nagpapaalam na pala talaga sya. As in Goodbye! Paalam na talaga dahil hindi na tayo magkikita.
Hindi na namin nagawang makipag-libing dahil tapos na nung malaman namin ang masamang balita. Gusto ko sana kaso huli na.
Pagdating ko sa computer shop, kumpleto na ang buong barkada. May nakareserba na din computer na naghihintay sa akin. Bago magdota, bago ko buksan ang nirentahang computer, sandali akong nanahimik at nagpaalam sa kanya. Nag-alay na din ako ng dasal para sa kanya. Bagay na di ko madalas gawin. Di ko na maalala kung kelan sya namatay basta ang pagkakaalala ko, sa gitna ng 3rd week of April at 1st week ng May sya namatay. Dumaan ako nung may pasok na sa Department ng Theology para alamin yung first name ni Sir pro wala na yung pangalan nya sa Organizational Chart nila. Hindi ko na sinubukang magtanong sa Student Assistant. Pero tanda ko pa rin yung Last name nya dahil yun lang ang pagkakakilala namin sa kanya.
Prof. Yabut, maraming salamat! Alam naming masaya ka. Hayaan mo balang araw, magkikita din tayo. Pagdating ko dyan, Poker tayo!
Yung tungkol sa sinagot mong tanong ko? Hanggang ngayon hindi ko pa din magets, wag kang mag alala I’m working on it!













